Itago Mo Ako Sa Iyong Puso

Just want to share this story written by my husband. I found it in his files, and I think it is worth sharing. 

ITAGO MO AKO SA IYONG PUSO
By: Sustines E. Laplana (June 5, 2001)
Published: Diwaliwan Magazine (2003)


Naaalala mo pa ba?

Noong Hunyo 1998 ay pumunta ako sa Cebu City upang mag-review para sa aming licensure examination. Isama sana kita upang huwag kang malayo sa akin. Subali’t kailangan mong maiwan sa Samar, dahil nagturo ka do’n sa isang elementaryang paaralan.

Linggo-linggo ay nagpadala ako ng sulat para sa iyo. Wala tayong naging problema sa simula, hanggang sa panahon na iniwan ko ang aking dating relihiyon, at umanib sa isang relihiyon na sa paniniwala ko ay tama.

Ang pagsasama natin na walang kasal o ang pakikipagtipan sa hindi kapananampalataya, ay pawang labag sa doktrina ng relihiyong ito. Kaya, inakay kita na sundan ako at umanib na rin dito.

Nagalit ka sa akin nang malaman mo ito. Nais mong iiwan ko ang relihiyong ito, at bumalik na sa dati kong pananampalataya. Subali’t hindi ko kayang gawin ang nais mo, sapagkat sumampalataya na ako, na ito na ang relihiyong maghatid sa akin upang ako’y maging ganap na karapatdapat sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesucristo, sa araw ng paghuhukom.

Pinauwi mo ako. Opo. Nais ko nang umuwi upang makasama ka. Maraming gabi na akong nagtiis sa pangulila sa iyo. Nais kong madamang muli ang init ng iyong mga yakap at tamis ng iyong mga halik. Nais kong matikmang muli ang hain ng pag-ibig sa piling mo. Subali’t nagmamatigas ako. Hindi ako umuwi dahil natakot ako na baka ang pag-ibig na ito ang maging hadlang sa aking hangarin na maging tunay na kaanib sa relihiyong ito.

Mahal kita. Alam ng Diyos na mahal kita. Pero di ko rin maipagkaila na mahal ko ang Diyos higit sa lahat. At sinampalatayanan ko na, na ang pag-ibig ko sa Kaniya ay maipakita ko lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang kalooban at mga kautusan.

Setyembre 1998. Tumawag ka sa akin. Umiyak ka. Nakiusap ka sa akin na umuwi na. “Dito sa relihiyong ito ako maghihintay sa’yo,” sagot ko. “Ipakita mo sa akin na mahal mo ako sa pamamagitan ng pag-anib sa relihiyong ito. Please!” Yan ang pakiusap ko sa’yo.

Hindi ka kumibo sa kabilang linya. Wala akong ibang narinig kundi ang mga hikbi mo. “Mahal kita, Ma. Alam mo yan,” sabi ko.

“Kung mahal mo ako, bakit ayaw mong umuwi dito? Bakit ayaw mo nang magpakita sa akin?”Humagulhol ka na. “Kung mahal mo ako, bakit ayaw mo na akong pakinggan? Dahil ba may iba ka nang babae?”

“Hindi sa ganon Ma...” Magpaliwanag sana ako, pero di mo ako pinakinggan.

“Yan ba ang tunay na dahilan kung kaya umanib ka sa relihiyong iyan?” Marami ka pang sinasabi pero... “Ma,” ayaw mo pa rin akong pakinggan.

Alam kong alam mo, na ikaw lamang ang aking minahal. At lalong hindi babae ang dahilan kung bakit ako umanib dito. Kilala mo ako, noon pa. Umanib ako dito dahil sa katotohanang aking natanto ukol sa aking dating relihiyon, at sa katotohanan ukol sa ating kaligtasan. Hindi ba’t noon pa man, ay nais ko nang ihandog ang aking sarili sa paglilingkod sa Diyos bilang isang pari? Hindi ba’t lumaki ako sa loob ng kumbento. Hindi ba’t noon pa ma’y kinahihiligan ko na ang magbasa ng Biblia? Alam kong alam mo yan.

Hindi mo ba naramdaman ang damdamin ko nang panahong iyon? Umiyak ako, dahil ayokong mawala ka. Opo. Umiyak ako... Sa unang pagkakataon, umiyak ako nang dahil sa pag-ibig... Dahil sa pag-ibig na ito... Dahil sa pag-ibig ko sa’yo.

Pero, ayaw mo akong unawain. Ayaw mo akong pakinggan. “Ma, hihintayin kita dito sa loob ng relihiyong ito. Kailan man ay hindi ako hahanap ng iba hihintayin kita.”

Subali’t kahit anong sabihin ko’y balewala sa’yo. Patuloy ka sa pagsasalita nang kung anu-ano. Hindi mo man lamang inisip na ang mga sinasabi mo’y nakakasakit sa akin at nagpapabigat ng aking damdamin.

Kaya, “kung di mo kayang patunayan ang pag-ibig mo sa akin sa pamamagitan ng pag-anib dito,” humagulhol na rin ako. Nanginginig ang aking buong katawan. Nahirapan akong huminga. “...Hindi kita pipigiling maghanap ng iba.”

Masakit man sa aking damdamin ay nasabi ko sa’yo ang mga salitang iyon. Hindi mo dapat marinig iyon! Alam ko hindi dapat pero nasabi ko na.

Nang ibaba ko ang telepono, bigla akong bumagsak sa sahig. Umiyak ako. Opo! Siguro di ka maniniwala. Hindi ka maniwalang umiiyak ako, gaya ngayon habang sinusulat ko ang sulat na ito. Umiiyak ako dahil labis ang pangungulila ko sa’yo lalo na ngayon na hindi na kailan man tayo maaring magkasama pa... Ngayong may asawa ka nang iba.

Mahal pa rin kita. Tatlong na taon nang nakalipas subalit narito ka pa rin sa puso ko. Hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang laman ng isip ko. Ikaw pa rin ang nakikita ko. Hinihintay pa rin kita, kahit alam kong imposible nang mangyaring magkabalikan pa tayo. Hinihintay ko ang babaeng hindi na kailan man babalik pa.

Oktubre 1998. Nabalitaan kong mayroon ka nang iba. Hindi ko alam kung gaano ka totoo ang balitang ito, subali’t pinaniwalaan ko ito. Mula noon, hindi naging buo ang mga araw ko kung hindi tutulo ang mga luha sa aking mga mata.

At sa labis na pagdaramdam ay sinikap kong patayin ang aking sarili. Nakalimutan ko, na ang dahilan ng aking pag-anib sa relihiyong ito ay ang kapurihan ng Ama. Nakalimutan kong marami pang mga taong umaasa sa akin.

Salamat sa Diyos, isang babae ang kinasangkapan niya upang tulungan ako. Inakay niya ako upang tumayo sa aking mga paa, at muling ihakbang ito upang akyatin ang hakdan ng aking buhay. Tinulungan niya akong maging malakas. Minahal niya ako. Sinubukan kong mahalin din siya subalit hindi ko kaya sapagkat ikaw lamang ang laman ng pusong ito.

Pebrero 1999. Nabalitaan kong buntis ka na. Masakit, pero dapat kong tanggapin. Wala na akong ibang magawa kundi ang lumuha, .... ang muling lumuha pa, at iluha ang lahat ng bigat ng aking loob sa Ama.

At kahapon ay naramdaman ko ang kaligayahang noon ko pa hinintay. Hindi ko alam kong bakit ko ito naramdaman. Aang tanging alam ko ay karga ko ang iyong anak... Na yakap-yakap ko siya, si Jufil Jr.

How I wish na si Jufil Jr. ay aking anak. Subali’t hanggang sa wish lamang iyon, sapagkat alam kong siya’y hindi akin, kundi anak ng iyong asawa.

Saan ka man naroon at saan ka man paroroon, nais kong malaman mo na hanggang ngayon ay mahal pa rin kita, at mamahalin ka hanggang sa araw ng aking kamatayan.

Makikisuyo sana ako sayo. Maari bang sabihin mo kay Jhenette, Jufil Jr. at sa mga anak mong darating pa, na minahal ko na rin sila, gaya ng pagmamahal ko sa’yo.

Please, itago mo ako sa iyong puso. At habang binabasa mo ang sulat na ito... Wala na ako. Pagod na pagod na ako, at kailangan ko nang magpahinga. Mahalin mo ang iyong asawa higit pa sa pagmamahal mo sa akin. Ingatan mo ang iyong sarili.

No comments:

Post a Comment

Itago Mo Ako Sa Iyong Puso

Just want to share this story written by my husband. I found it in his files, and I think it is worth sharing.  ITAGO MO AKO SA IYONG PUSO...